Welder nasawi sa pagsabog sa LPG refilling station, isa pa sugatan

Imahe mula sa Island Air Products Corporation

Isang welder ang agad na nasawi at sugatan naman ang kanyang kasama nang biglang may naganap na pagsabog sa loob ng isang liquefied petroleum gas (LPG) refilling station sa Pasay City.

Ayon sa ulat ng RMN, naganap ang pagsabog dakong alas-nuwebe ng umaga nitong Linggo, ika-3 ng Hunyo sa Island Air Products Corporation sa 137 A Virata Street Barangay 155, Tramo sa nabanggit na siyudad.

Kinilala ang welder na nasawi bilang si Renato Gaspar, 49 anyos. Nasugatan naman ang kanyang supervisor na si Felix Angana na agad isinugod sa San Juan De Dios Hospital. Nasa kritikal na kundisyon umano si Angana.

Batay sa pagsisiyasat ng Pasay City Police, nagre-repair umano ng mga tangke ng LPG ang dalawang biktima nang biglang sumabog ang LPG tank na kinukumpuni.

Island Air Products Corporation

Wala nang buhay si Gaspar nang datnan ito ng mga rumesponde matapos niyang masabugan sa ulo, samantalang naisugod agad sa ospital si Angana, ayon kay Jojie Paralisan ng Pasay Disaster Risk Reduction and Management Office.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa naganap na pagsabog. Ang may-ari ng LPG refilling station ay hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag.

Loading…