Pulis, inalis sa serbisyo matapos sagasaan ng patrol car ang isang suspek

Imahe kuha mula sa video ng Athens-Clarke County Police Department

Isang police officer ng Athens-Clarke County Police Department sa Georgia ang tinanggal sa serbisyo matapos mapatunayan na sinadya niyang sagasaan ng kanyang patrol car ang isang suspek na tumatakas.

Ayon sa ulat ng ABC News, noong una ay sinuspinde lang si Officer Taylor Sauters, subalit kinabukasan ay inalis na sa serbisyo.

“After reviewing the officers’ body camera footage, and all the other facts and circumstances of this case, Chief Scott Freeman terminated the employment of Officer Taylor Saulters,” ayon sa opisyal na pahayag ng Athens-Clarke County Police Department.

Sa video na inilabas ng Athens-Clarke County Police Department, nagpapatrulya si Officer Sauters kasama ang partner niyang si Officer Hunter Blackmon nang mamataan nila ang 23-anyos na si Timmy Patmon na may felony probation warrant para sa kanyang pagkaaresto.

Bumaba ng patrol car si Blackmon upang habulin si Patmon, habang sumusunod naman si Sauters na minamaneho ang police car. Sinubukan ni Saunters na harangan ng police car ang suspek subalit nakailag ito at nagpatuloy sa pagtakbo.

Nang abutan ni Sauters si Patmon ay kinabig niya ang police car pakanan kaya nahagip niya ang suspek na gumulong pa sa hood ng sasakyan bago nahulog sa kalsada. Nagtamo  ng galos at pasa si Patmon dahil sa pagkakabangga sa kanya.

Imahe mula sa video ng Athens-Clarke County Police Department

Ayon sa tagapagsalita ng Athens-Clarke County Police Department, hindi sila naniniwala na intensyunal ang pagkakasagasa sa suspek, ngunit naging pabaya raw si Sauters sa insidente.

Dagdag pa ng police department, nagsasagawa ng imbestigasyon ang Georgia Bureau of Investigation upang alamin kung sasampahan ng kasong kriminal si Officer Sauters.

Loading…