PBA player Jeron Teng at 2 kasama nasaksak ng mga nakaalitan sa BGC

Imahe mula sa Facebook page ng Alaska Aces

Nasaksak ang Philippine Basketball Association (PBA) player na si Jeron Teng at dalawa niyang former teammates sa De La Salle University na sina Norbert Torres at Thomas Torres sa isang parking lot sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.

Naganap umano ang stabbing incident dakong 2:30 ng madaling araw nitong Linggo, ika-3 ng Hunyo, sa parking lot ng  Early Night Club sa The Fort Strip sa BGC.

Batay sa police report, si Teng at ang dalawa niyang kasama ay naglalakad sa labas ng bar nang komprontahin sila ng tatlong suspek. Nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo na nauwi sa pananaksak.

Imahe mula sa PBA

Naglabas umano ng patalim ang mga suspek na kinilalang sina Filipino-American na si Edmar Manalo, 40 anyos; Arab-Filipino na si Joseph Varona, 33 anyos; at ang Filipino-American engineer na si Williard Basili, 38 anyos.

Si Norbert at Thomas ay nasugatan sa braso, samantalang nasaksak naman sa likod ang Alaska Aces guard na si Teng. Isinugod ang tatlo sa kalapit na St. Lukes Medical Center kung saan sinabing nasa maayos na silang kalagayan.

Inaresto ng mga pulis mula sa Police Community Precinct 7 sa BGC ang tatlong suspek.

Ang insidente ay naganap ilang oras matapos talunin ng Alaska Aces ang GlobalPort sa iskor na 109-103. Umiskor si Teng ng walong puntos sa loob ng 22 minutes na paglalaro.

Nakuhanan ng video ng isang concerned citizen ang pangyayari at ibinahagi ito sa GMA News sa kanilang Facebook page.

Loading…