OFW na pinaslang sa Slovakia, ipinagluksa ng mga Slovaks

Imahe mula kay Vladimir Simicek

Libo-libong Slovaks ang nagsagawa ng memorial rally sa Bratislava, capital ng Slovakia noong ika-8 ng Hunyo; bilang pagpupugay sa pinaslang na overseas Filipino worker (OFW) na binugbog hanggang mamatay ng lalaki na pinaniniwalaang isang neo-Nazi.

Ayon sa ulat ng Inquirer, sinabi umano ng organizer na umabot sa tatlong libong tao, karamihan ay nasa edad twenties, ang sumama sa memorial rally para kay Henry Acorda. Ang iba ay may tangan pang mga banners kung saan nakasulat ang “Justice for Henry” at “Nazi brain burn in hell.”

Sa isang improvised memorial kung saan naganap ang pamamaslang, ang mga raliyista ay nag-alay pa ng mga bulaklak at nagsindi ng mga kandila para kay Henry.

Slovaks, nag-alay ng bulaklak at nagsindi ng kandila para sa pinaslang na OFW (Imahe mula kay Vladimir Simacek)

Si Henry ay pinaslang ng isang Slovak na nagngangalang Juraj H. matapos niya itong pigilin sa ginagawang pangha-harass sa kapwa OFW.

Dinaluhong ng suspek si Henry hanggang matumba ito at mawalan ng ulirat. Habang walang malay-tao ay patuloy pang pinagsisipa sa ulo ang kawawang biktima. Matapos ang pag-atake ay kinunan pa ng suspek ng larawan gamit ang cellphone ang nakahandusay na si Henry.

Ang suspek ay nakapiit na at nahaharap sa kasong manslaughter.

Nangako ang Slovakian government sa Pilipinas na makakamit ang hustisya para kay Henry.

Ang mga labi ni Henry ay nakatakdang maiuwi sa Pilipinas sa ika-13 ng Hunyo.

Source :

Inquirer, MSN

Loading…