Nabaril na pari, ayaw makipagtulungan sa imbestigasyon ng PNP?

Image capture from video by ABS-CBN News via You Tube

MAYNILA, Pilipinas – Nagtataka ngayon ang Philippine National Police (PNP) dahil tila ayaw makipagtulungan sa kanilang imbestigasyon ang dating pari na nasugatan sa pamamaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin kamakailan.

Magugunitang pinagbabaril ng riding-in-tandem si Rev. Rey Urmeneta, 64 anyos at parish priest sa St. Michael the Archangel Parish, Calamba City nitong nakaraang Miyerkules habang sakay ng kanyang sasakyan sa Barangay 3.

Nasugatan si Urmeneta sa kanyang mga kamay at braso habang masuwerte namang hindi tinamaan ang kanyang sekretarya na si Remedios Belen na kasama niya noon sa loob ng sasakyan.

Ayon kay Chief Superintendent Edward Carranza ng Calabarzon police, tinanggihan umano ni Urmeneta ang kanilang alok na police assistance kaya’t nahihirapan sila ngayon sa imbestigasyon.

“Ang isang biktima palaging gusto may kadikit na pulis to secure his life. Ngayon medyo parang, hindi ‘ata natural na ayaw mo ng isang police,” wika ni Carranza sa panayam ng ABS-CBN News.

Sasakyan ni Rev. Urmeneta| Image capture from video by ABS-CBN News via You Tube

Bukod dito, sinabi rin umano ng pari na wala siyang cellphone na maaaring magamit sa paglutas sa kaso. Palipat-lipat din daw ito ng pagamutan sa hindi malamang dahilan at wala man lamang pasabi sa kanila.

Ganunpaman, isa sa tinitingnang anggulo sa kaso ay ang nakaalitan umano ng pari na caretaker ng kanyang farm sa Nueva Ecija. Inakusahan niya ito na pinagbebenta ang kanyang mga gamit sa farm at kanyang pinagbabayad at pinagbantaang sasampahan din ng kaso.

Si Urmeneta ay dating direktor ng Philippine National Police (PNP) Chaplain Service at retired na sa serbisyo bago nanungkulan sa isang parish sa Laguna.

Buong ulat mula sa ABS-CBN News:

Loading…