Lima nasawi dahil sa kontaminadong letsugas sa Estados Unidos

Imahe mula sa Centers for Disease Control and Prevention

Umabot sa lima ang namatay sa Estados Unidos dahil sa Romaine lettuce na diumano’y kontaminado ng E. coli bacteria. Nasa 197 naman ang nagkasakit at 89 sa kanila ang kinailangan gamutin sa ospital.

Ayon sa ulat ng The Register Citizen, sinabi umano ng Centers for Disease Control and Prevention na isa ang nasawi mula sa California, dalawa sa Minnesota, isa sa Arkansas at isa sa New York.

Sinabi sa naturang ulat na ang kontaminadong letsugas ay mula sa Yuma, Arizona kung saan ang harvest season ay natapos noon pang kalagitnaan ng buwan ng Abril. At dahil ang shelf life ng letsugas ay tumatagal lang ng hanggang 21 araw, malabo na raw na mayroon pang natitirang kontaminadong letsugas sa mga pamilihan o sa mga restaurants.

Public domain image

Sa ngayon, nakapagdokumento ang Centers for Disease Control and Prevention ng 197 kaso ng E. coli bacteria outbreak sa 35 states kung saan 89 biktima ang na-ospital.

Karamihan sa mga biktima ay nakaranas ng bloody diarrhea, sobrang pananakit ng tiyan, at pagsusuka apat na araw matapos makakain ng kontaminadong Romaine lettuce. 29 sa kanila ang nagkaroon ng isang uri ng kidney failure na kung tawagin ay hemolytic uremic syndrome.

Ayon sa pagsusuri ng Centers for Disease Control and Prevention, ang mga gulay na tulad ng romaine lettuce at spinach ang karaniwan nang pinagmumulan ng foodborne illness dahil kalimitan ay kinakain silang hilaw kaya hindi napapatay ng cooking heat ang bacteria.

Loading…