Lady cop na SAF member, huli sa akto sa shabu session

Imahe mula sa Dawn

Isang babaeng pulis na miyembro ng Philippine National Police Special Action Force at dalawang iba pa ang dinakip ng mga awtoridad matapos maaktuhan sa isang shabu session sa loob ng isang bahay sa Barangay Tuktukan sa Taguig City noong Biyernes, ika-1 ng Hunyo.

Ayon sa ulat ng Manila Standard, kinilala ang lady cop na si Police Officer 3 Lynn Tubig, 38 anyos, na nakatalaga sa Force Support Battalion sa Camp Bagong Diwa sa nabanggit na siyudad.

Ang dalawa niyang kasamang naaresto ay sina John Vincent German, 21 anyos, at Fernando German, 43 anyos, na kapwa residente ng Kakawayanan St. Purok 6 Bgy. Tuktukan.

Batay sa imbestigasyon, dakong 12:30 ng hapon noong Biyernes nang nagtungo sa Taguig police station ang isang ginang upang i-report ang panghoholdap na ginawa sa kanya ng isang lalaki sa barangay Tuktukan.

Agad namang nagsagawa  ng isang operasyon ang pulisya upang  matunton ang holdaper hanggang sa mamataan nila ang isang lalaki na may bitbit na baril. Agad na tumakbo ang lalaki nang makita ang mga pulis kaya hinabol nila ito.

Pumasok ang lalaki sa isang bahay kung saan naaktuhan sa isang shabu session si PO3 Tubig at dalawang kasama. Nakatakas naman ang armadong lalaki.

Shabu session

Narekober ng pulisya ang tatlong sachet na naglalaman ng 1.5 gramo ng shabu, isang caliber .9mm pistol, isang replica ng caliber .45 pistol, mga bala at drug paraphernalia.

Ayon kay Southern Police District Director Chief Supt. Tomas Apolinario, sangkot din ang mga suspek sa mga insidente ng robbery.

Loading…