Halos P75 milyon halaga ng shabu nasabat ng PDEA sa Clark Freeport Zone

Imahe mula sa Bureau of Customs

Kilo-kilong shabu na tinatayang aabot sa halos P75 milyon ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, ang ilegal na droga ay nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs na naghinala sa mga kargamento na naglalaman ng upuan ng piano, bar stools at mga cooking grill mula sa California sa Estados Unidos.

Agad umanong ini-report ng BOC sa PDEA ang nadiskubre. Matapos ang pagsusuri ay nakumpirmang shabu ang laman ng mga kargamento.

Nagsagawa ng controlled delivery ang dalawang team ng PDEA upang madakip ang mga taong tatanggap ng mga naturang shipments. Isang pangkat ng PDEA ang nagtungo sa Barangay San Martin De Porres sa Parañaque City at ang isa naman ay sa San Nicolas, Bacoor, Cavite.

Apat na suspek iprinisinta ng PDEA sa media (Imahe kuha sa video ng ABS-CBN)

Sa Cavite operation ay naaresto ang dalawang suspek na kinilalang sina Daniel Dela Cruz at William Dela Pizza. Nakumpiska sa kanila ang 4.5 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P30,600,000 na nakasilid sa kahon ng piano chair.

Naaresto naman sa Parañaque City sina Dolores Lintag at Melchor Corocoto at narekober sa kanila ang 6.5 kilos ng shabu na tinatayang nasa P44,200,000 na idineklarang cooking grill.

Loading…