Binata patay matapos tamaan ng kidlat habang nagcha-charge ng cellphone

Image capture from post by Andy Madregalejo via Facebook
  • Isang binata ang tinamaan ng kidlat sa Sto. Domingo, Albay
  • Nagcha-charge umano ng kanyang cellphone ang biktima nang tamaan ng kidlat ang kanilang bahay
  • Sugatan din sa insidente ang kanyang tiyahin na nasa kabilang bahay

MAYNILA, Pilipinas – Patay ang isang binata sa Sto. Domingo, Albay matapos itong tamaan ng kidlat habang nagcha-charge ng kanyang cellphone sa loob ng kanilang bahay nitong Linggo ng hapon.

Kinilala sa ulat ang biktima na ai Ryan Balute, 20-anyos at residente ng Brgy. San Andres ng nabanggit na bayan, habang isinugod din sa pagamutan ang  kanyang tiyahin na si Editha na nasugatan din sa insidente.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagcha-charge umano ng kanyang cellphone si Balute at nagte-text ito nang tamaan ng kidlat ang kanilang bahay; sanhi para dumaloy sa kanyang katawan ang malakas na kuryente.

Umabot din umano sa kabilang bahay ng kanyang tiyahin, na noon ay nasa loob ng kusina, ang nasabing kuryente at tinamaan din ito.

Parehong isinugod sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa bayan ng Daraga ang binata at kanyang tiyahin. Si Editha ay nagtamo ng mga paso sa katawan at wala pa ring malay.

Image capture from post by Andy Madregalejo via Facebook

Hindi naman pinalad ang binata na hindi na umabot nang buhay sa pagamutan.

Ayon sa ABS-CBN News, noong nakaraang buwan lamang ay isa ring 17 anyos na lalaki ang nasawi sa Polangui, Albay matapos tamaan din ng kidlat habang nasa gitna ng palayan.

Nagpaalala naman ang PAGASA sa publiko na maging doble-ingat sa mga darating na araw dahil magiging madalas na ang pagkidlat at pagkulog sanhi ng papasok na panahon ng tag-ulan.

Samantala, humihingi naman ng tulong ang pamilya ng biktima dahil hikahos din umano sila sa buhay lalo pa’t mahigit isang buwan pa lamang umano ang nakararaan  simula nang pumanaw din ang ina ni Balute.

Loading…