14 nasawi sa banggaan ng cargo truck, utility van sa Davao del Sur

Imahe mula sa MGN Online

Labing-apat na katao ang binawian ng buhay matapos magsalpukan ang isang  ten-wheeler cargo truck at Hino utility van sa Davao del Sur noong Linggo, ika-3 ng Hunyo.

Ayon sa ulat ng NDBC, ang lahat ng mga nasawi ay pasahero ng utility van na pag-aari ng Franklin Baker Company; isang coconut production firm sa bayan ng Sta. Cruz sa nasabing probinsiya. Ang mga biktima ay empleyado ng kumpanya.

Sinabi ni Senior Supt. Samuel Gadingan, director ng Davao del Sur police, na naganap ang aksidente dakong 12:30 ng hapon nang mag-overtake ang van sa isa pang sasakyan sa Sitio Lantawan, Barangay Astorga sa nabanggit na bayan.

Hindi umano namalayan ng driver ng van ang paparating na cargo truck na may kargang metal trusses.

Imahe mula sa Facebook post ni April May June July

Ayon pa kay Gadingan, 12 sa mga biktima ang agad na nasawi sa pinangyarihan ng aksidente, samantalang dalawa sa apat na itinakbo sa ospital ang pumanaw na rin, kabilang ang driver ng van na si Efren Presores.

Ang truck driver naman na si Teodoro Batiocan at ang kanyang helper na hindi pinangalanan ay hindi nasaktan sa insidente. Ang dalawa ay nasa kustodiya na ng pulisya ng Sta. Cruz.

Loading…