UE student tumanggap ng humanitarian award dahil sa pagtuturo sa mga batang lansangan

MAYNILA, Pilipinas  –  Tumanggap ng parangal ang babaeng estudyante ng University of the East (UE) na nag-viral noon sa social media dahil sa kanyang kahanga-hangang adbokasiya.

Magugunitang marami ang humanga at pumuri noon sa 19-anyos na estudyanteng si Dara Mae Tuazon dahil sa kaniyang pagtuturo sa mga batang lansangan sa Sampaloc, Maynila na walang kakayahang makapag-aral nang pormal sa mga eskuwelahan.

Nitong Miyerkules, ginawaran si Dara ng parangal bilang kauna-unahang winner ng The One Philippines (TOP) Humanitarian Award na isinusulong ng Rotary Club International.

Tumanggap din si Dara ng P1.5-M grant para sa kanyang isinusulong na adbokasiya at karagdagang P250,000 na nagmula sa mga donor na naniniwala sa kanyang ginagawa.

Bukod dito, may tsansa rin si Dara na manalo sa The One International Humanitarian Award sa Hong Kong na may kalakip na premyong $100,000 (P5-M) bilang kinatawan ng bansa.

Sa panayam ng Inquirer, sinabi ng Elementary Education major sa UE na gagamitin niya ang natanggap na gantimpala para sa kanyang “Bangketa Eskwela Foundation Inc.” na kanyang inilunsad noong nakaraang taon, bukod pa sa pagsuporta sa mga iskolar, pagpapatayo ng eskuwelahan, pagbili ng mga gamit sa pagtuturo at pag-donate sa mga outreach programs.

Ayon kay Dara, bata pa lamang siya ay alam na niya ang kanyang landas na tatahakin – ang tumulong sa mga street kids.

“When I see kids on the street with nothing to do, I know that as a future educator, I need to act. I couldn’t stay within the four corners of the classroom: I had to go beyond,” anang estudyante.