‘Tulfo bros, dapat umalis na lamang ng PTV 4’ — Sen. Pangilinan

Naniniwala umano si  Senator Francis Kiko Pangilinan na mas mainam na boluntaryong umalis na rin sa PTV 4 ang magkapatid na Tulfo kasunod ng nagbitiw nilang kapatid na si Tourism Secretary Wanda Teo.

Ayon sa ulat ng RMN, sinabi ng Senador na mas mainam na umalis na lamang bilang producer at program anchor ang magkapatid na Ben at Erwin Tulfo dahil government station ang PTV 4.

Kamakailan ay may banat si Senator Antonio Trillanes sa mga Tulfo; aniya, maaari pa rin silang magpatuloy ng programa  sa PTV4.

Ngunit dapat palitan ang pamagat ng programa at sa halip ito’y gawing: “Isumbong mo si Tulfo” at “Nabitag si Tulfo.”

Matatandaang nagsimula ang isyu sa tinukoy ng Commission on Audit na ibinigay na bayad ng DOT na nagkakahalaga ng P60M na wala namang memorandum of agreement o kontrata sa pagitan ng state-run PTV-4 at sa media outfit ng magkapatid na Tulfo na sina Ben at Erwin upang mag-ere ng tourism commercials sa kanilang programa na “Kilos Pronto”.

Ang COA report ang naging dahilan upang magbitiw si Tourism Sec. Wanda Teo bilang DOT sec.

Nangako namang isasauli ng Bitag Media Unlimited Inc ang P60M  halaga ng DOT ad deal.

Itinalaga naman ang dating undersecretary of the Department of Agriculture na si Bernadette Romulo-Puyat bilang kapalit ni Teo.

Source :

RMN, GMA, PhilStar

Loading…