Tatlong magkakapatid na pulis na nanugod ng nakaalitang motorista, sinibak na sa puwesto

Nauwi sa suguran ang sinasabing insidente ng road rage sa pagitan ng tatlong magkakapatid na pulis at lalaki na nakamotorsiklo sa Caloocan City nitong Abril 29.

Sa Facebook post ni Jessie Malaya, ibinahagi nito ang video at larawan ng aktwal na panunugod ng tatlong pulis na diumano’y may dalang baril sa kanilang bahay.

Ayon sa ulat ng Inquirer, kinilala ang tatlong pulis na sina Police Officer (PO) 3 Ralph Soriano ng Northern Police District; PO1 Reniel Soriano ng Drug Enforcement Group in Camp Crame; at PO1 Rendel Soriano ng Caloocan Police Station.

Salaysay ni Malaya, nagmomotorsiklo ang kanyang ama nang makagitgitan niya ang pulis na naka-Nazareth shirt. Hinayaan lamang ito ng kanyang ama.

Ngunit hindi pa natapos doon. Pinag-initan pa ng pulis ang kanyang ama hanggang sumugod na ito sa kanilang bahay kasama ang dalawa pa nitong kapatid na nakasibilyan.

Paglalarawan ni Malaya, tila may operasyon ang mga ito habang sumusugod pagkat may baril ang mga ito. Saad pa nito, nakainom pa ng alak ang mga pulis.

Sinubukan namang kausapin ng isang retiradong pulis na tito ni Malaya ang magkakapatid ngunit patuloy pa rin ito sa pagwawala.

Masama umano ang loob ni Malaya sapagkat tila may pang-aabusong naganap kaugnay ang magkakapatid na pulis na sumugod sa kanilang bahay.

Kasalukuyang umiiral ngayon ang ‘gun ban’ dahil sa nalalapit na barangay election.

Sa mga oras na ito’y wala pang pahayag ang Soriano brothers hinggil sa naturang insidente.

Ayon sa ulat ng GMA, napanood na ng hepe ng Caloocan police ang insidente. Ipinag-utos na rin niya ang pagdisarma kay Rendel habang ito’y iniimbestigahan.

Hindi naman namin tinotolerate ‘yung mga pulis namin kung talagang meron silang ginawa na hindi tama,” ayon kay Police Superintendent Restituto Arcangel; hepe ng Caloocan police.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang mga pulis na sangkot sa insidente.

Update:

Sinibak na sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Oscar D. Albayalde ang magkakapatid na pulis makaraan ang insidente.

Ayon kay PNP spokesperson Chief Supt. John Bulalacao, sinabi ni Albayalde na marapat na ang pulis ay may disiplina sa lahat ng oras .

Panoorin ang ulat na ito ng 24 Oras para sa iba pang detalye:

 

 

Loading…