Tatay, inihatid sa simbahan ang ikakasal na anak sa pamamagitan ng motorbike

Kicker Daily News

Perfect wedding— pangarap ng isang tipikal na babae na maikasal sa kanyang piniling kabiyak o makakasama habambuhay, simple man ito o magarbo. Kaya naman, isang mahaba at nakapapagod na pagpaplano at paghahanda ang kinakailangan upang matamo ang pangarap na ito. Kabilang na dito ang bridal car.

Kaugnay dito, naging viral sa social media ang mga larawang ibinahagi sa Facebook ng netizen na si Kaycee Pitao Jose kung saan imbes na sa magarang kotse siya nakalulan bilang bride, inihatid siya ng kanyang tatay sa simbahan gamit ang motorbike. Ang kasalang ito ay naganap sa Surigao Del Sur.

Hindi iniinda ni Tatay ang init at pagod.

Makikita sa larawan na sa kabila ng suot na barong tagalog at nakabilad sa initan, ginampanan ng tatay na maihatid ang kanyang ikakasal na anak, hindi lamang sa altar ng simbahan, kundi maging sa pagtungo rito. Hindi man mamahaling sasakyang gaya ng Rolls Royce o BMW ang gamit ng tatay, naging makabuluhan naman ito dahil kitang-kita ang kanyang suporta at pagmamahal para sa kanyang anak.

Umani naman ng papuri ang tatay sa viral photos. Sa hirap daw ng buhay ngayon, mas ayos na ang maging praktikal, kaysa naman sa mabaon sa utang.