Pangulong Duterte inaming walang ngipin ang nilagdaang EO sa “endo”

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules, ika-2 ng Mayo, na ang nilagdaan niyang executive order (EO) noong Labor Day na nagbabawal sa ilang uri ng kontraktuwalisasyon, kabilang na ang sistema ng “endo” (end of contract), ay walang ngipin.

Sa ulat ng Inquirer, sinabi ni Pangulong Duterte na ang kanyang pinirmahang EO ay pumapaling tungo sa pagpapatigil ng “endo” system, subalit wala aniya siyang inilagay na penal sanctions o ang mga kaakibat na kaparusahan sa lalabag niyon.

Aniya, importante na mayroong penal sanctions subalit kailangan umanong amyendahan ang Labor Code upang matugunan ang isyu. Tanging ang Kongreso lamang umano ang maaaring gumawa niyon.

“Itong iyung sa labor… hanggang kaya ko, talagang sinasagad ko na doon. But if there is one thing that I am prohibited is that I cannot make it like the force of law because I am not Congress. I only implement what the law or what Congress passes to be the law. Ngayon, maglagay ako ng maglagay at wala naman ngipin at wala naman maniwala,” paliwanag ng Pangulo.

Ang “endo” ay tumutukoy sa uri ng kontrakwalisasyon kung saan ang mga empleyado ay maaalis sa trabaho matapos ang limang buwan. Maaari silang makapagtrabahong muli sa panibagong limang buwang kontrata.

Sa ilalim ng batas, ang empleyado ay dapat nang gawing regular matapos ang anim na buwang probationary work, maliban na lang kung hindi siya kwalipikado sa trabaho.