Pambansang Alagad ng Sining na si Dr. Cirilo Bautista, sumakabilang-buhay na sa gulang na 76

Sumakabilang-buhay na ang Pambansang Alagad ng Sining sa larangan ng Panitikan na si Dr. Cirilo F. Bautista sa gulang na 76 nitong Linggo, Mayo 6, 2018, ayon sa Facebook page ng De La Salle University o DLSU.

Bagama’t inihayag na ito sa Facebook, hindi naman nagbigay ng iba pang detalye ang DLSU Department of Literature hinggil sa pagpanaw ng kinikilalang mahusay na makata, manunulat, kritiko, kolumnista, at propesor ng panitikan.

It is with deep sadness we announce the passing of our beloved professor/mentor and perhaps the greatest poet of Philippine literature–Dr. Cirilo F. Bautista. Rest in peace, our Moses, Gandalf, Nero Wolfe. Obi Wan Kenobi. Till we meet again in Paradise.

Larawan mula sa Facebook page ng DLSU Department of Literature

Dahil sa kanyang mga natatanging ambag sa larangan ng Panitikang Filipino, idineklara siyang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 2014 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Si Dr. Bautista ay nagtapos ng magna cum laude sa University of Santo Tomas sa ilalim ng AB Literature program. Natapos niya ang kanyang graduate studies sa Saint Louis University sa Baguio kung saan nagturo rin siya ng mahabang panahon.

Naging propesor din siya sa San Beda College at DLSU, kung saan niya nakamit ang  pagka-doktorado at isa sa mga tumulong na maitatag ang Bienvenido Santos Creative Writing Center.

Si Dr. Bautista rin ang nasa likod ng pagkakatatag ng Philippine Literary Arts Council noong 1981, Iligan National Writers Workshop noong 1993, at Baguio Writers Group. Pinondohan din niya ang iba’t ibang seminar at workshop para sa mga taong nagnanais na matuto ng panulaan at malikhaing pagsulat.

Ilan sakanyang mga tanyag na obra ang  Summer Suns, Words and Battlefields, The Trilogy of Saint Lazarus, at Galaw ng Asoge.

Si Dr. Bautista rin ay hall of famer ng Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.