Mga pekeng I.D. nakumpiska sa Boracay Island

Kicker Daily News

Simula noong ika-26 ng Abril ay isinara na ang Boracay Island para sa gagawing rehabilitasyon na tatagal ng hanggang anim na buwan, kaya pansamantalang off-limits sa isla ang mga turista.

Kasabay ng pagsasara ng isla ay ipinatupad din ang I.D. system doon upang masigurong mga residente at legal na trabahador lamang ang makapapasok sa lugar.

Ang I.D. ay dapat ipakita ng mga residente at trabahador sa tuwing lalabas o papasok sa lugar. Ngunit ayon sa ulat ng Radyo Inquirer, sinabi umano ng pamunuan ng Caticlan Jetty Port sa Aklan na marami pa ring nagnanais na makapasok sa isla kahit hindi mga residente doon.

Ilang mga tao na umano ang sumubok na makapasok sa isla gamit ang mga pekeng I.D.

Ayon sa Administrator ng Caticlan Jetty Port na si Niven Maquirang, marami na silang nakumpiskang pekeng I.D.

“May mga nakumpiska tayong mga I.D. na alam nating peke kasi kino-compare natin ‘yung mga I.D.s na original doon sa peke,” ani Maquirang.

Aniya, may ilan pa raw na nakumpiskang pekeng I.D. na xerox copy lang na ni-laminate.

Ang mga mga taong gumagamit ng pekeng I.D. ay pinaaalis lang sa isla at hindi naman kinakasuhan.

Loading…