Maleta ng Pinay mula sa US na puno ng pasalubong, hindi dumating sa NAIA

Kicker Daily News

Mangiyak-ngiyak ang isang Pilipina na umuwi ng bansa mula sa Estados Unidos nang mawala ang isa niyang maleta na puno umano ng mga pasalubong para sa kanyang mga anak at kamag-anak.

Ayon sa ulat ng GMA News, humingi ng tulong sa mga awtoridad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang balikbayang si Khrishna Dingzon nang isa na lang sa kanyang check-in baggage ang nakuha niya sa Terminal 1 ng paliparan.

Naghain na ng reklamo ang balikbayan laban sa Air China na kanyang sinakyan. Agad namang humingi ng dispensa ang airlines hinggil sa pangyayari at nangakong hahanapin ang nawawalang bagahe ni Khrishna.

“We’re sorry to hear that your baggage did not arrive at the (NAIA) on the same flight,” sabi ng Air China sa isang pormal na liham kay Khrishna.

Hiningi rin ni Khrishna ang tulong ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) upang maibalik ang nawawalang maleta.

“Sa NAIA terminal po, sana po tulungan n’yo ako du’n sa bagahe ko po kasi noong Thursday pa ‘yun,” anang balikbayan.

“Katas ‘yun ng pinaghirapan ko doon. Trabaho, ‘yung puyat. Tapos isang iglap lang mawawala,” dagdag pa ng biktima.

Sagot ni MIAA General Manager Ed Monreal sa panawagan ni Khrishna na bagama’t kargo ng airline ang nawawalang bagahe, tutulong pa rin umano ang MIAA kapag hindi umaksyon ang Air China.

Paliwanag pa ni Monreal, ite-trace ng airline ang nawalang bagahe. Kadalasan umano ay aabutin ng mula 7 hanggang 21 days bago matapos ang pag-trace.