Jason Abalos, napagkamalang sina Rayver Cruz at JC De Vera sa Isabela

Ibinahagi ng Kapamilya-turned-Kapuso actor na si Jason Abalos ang isang nakatutuwang pangyayari nang siya ay maanyayahan sa isang Santacruzan sa Santiago, Isabela kasama ang kanyang girlfriend na si Vickie Rushton noong May 2, 2018, batay sa kanyang Instagram account.

Ayon kay Gael ng rom-com teleseryeng The One Who Got Away o TOTGA ng GMA Kapuso Telebabad, wala raw tumawag o nakakilala sa kanya bilang Jason Abalos. Tinatawag siya ng mga tao bilang si Rayver Cruz o kaya naman ay si JC De Vera. May ilan ding tumawag sa kanya bilang Gael.

Kwento ko lang, walang tumawag sa akin kanina ng pangalan ko, ung dalawa tinawag akong Rayver, ung isa JC, pero karamihan tawag sa akin Gael. Agyamanak Santiago Isabela. Sana napasaya namin kayo ni @vimrushton .. at pag bubutihin pa namin ang #totga para mabigyan kayo ng entertainment at masamaha pa kayo gabi gabi..

Imbes na ma-offend ay ipinangako ni Jason na pagbubutihin pa ang kanyang pag-arte upang makapagbigay ng entertainment sa mga tao gabi-gabi.

Si Jason ay unang nakilala sa Star Circle Quest 2 noong 2004 bilang isa sa mga questor subalit hindi pinalad na mapabilang sa Magic Circle of Five. Tumatak ang kanyang karakter na “Victor” sa teleseryeng Two Wives kasama sina Kaye Abad at Erich Gonzales sa ABS-CBN Kapamilya Network.

Nitong 2017, nilisan ni Abalos ang Star Magic at lumipat sa GMA Artist Center bilang Kapuso. Napabilang kaagad siya sa TOTGA katambal si “Zoe” na ginagampanan ni Rhian Ramos.

Sa iyong palagay, magkakamukha nga ba sila?

Mga larawan mula sa Instagram accounts nina Jason Abalos, Rayver Cruz, and JC De Vera