Guro na nagbalik ng teddy bear ng isang bata, tumanggi sa pabuyang P10,000

Kicker Daily News

Hindi tinanggap ng isang guro mula sa Cebu ang P10,000 pabuya na kapalit ng pagbalik niya sa nawalang teddy bear ng isang pitong-taong gulang na batang babae.

Ayon sa ulat ng GMA News, ang pamilya ng bata na kinilalang si Akilah ay nagbabakasyon sa bansa mula sa Alaska sa Estados Unidos.

Kuwento ng ina ni Akilah na si Apple Jessica Torres, itinuturing ng kanyang anak bilang matalik na kaibigan ang laruang teddy bear. Kahit saan umano sila magtungo ay dala ng kanyang anak ang nasabing laruan, ngunit sa kasamaang palad ay nawala iyon noong kumain sila sa isang fast food restaurant sa Lapu-Lapu City sa Cebu noong ika-16 ng Abril.

“Sobrang iyak po talaga ng anak ko. Ayaw daw niyang makita na magfa-fly ang plane dahil si teddy bear naiwan daw niya. So, masakit po sa amin,” sabi ni Ginang Torres.

Noong May 1 ay inanunsiyo nila sa Facebook ang alok na P10,000 sa sinumang makapagsasauli ng teddy bear ng anak.

Sa loob lang ng isang araw matapos ang anunsiyo sa Facebook ay muling naibalik ang teddy bear ni Akilah. Isang guro mula sa Cebu City ang nagbalik ng laruan, ngunit hindi nito tinanggap ang pabuya.

Anang guro, naiintindihan niya umano ang nararamdaman ng mga magulang ni Akilah dahil mayroon din siyang mga anak.

Magkagayunpaman, ipinagpilitan pa rin ni Ginang Torres na tanggapin ng guro ang pabuya, hindi lang dahil naibsan nito ang kalungkutan ni Akilah, kundi dahil na rin sa ipinakita nitong magandang halimbawa para sa iba.

“Sobrang thank you po talaga kay ate. Kumbaga, ‘yung childhood ng anak ko, ginawa pa niyang mas-memorable pa. Na-prove niya na may mabuti pa talagang tao sa mundo. Na hindi lahat after sa pera. Sobra niya kaming na-touch kaya kahit ayaw niyang magpa-mention ng name, ayaw niyang ma-viral o ano, isa siyang good example talaga. Lalo sa mga guro, sa mga estudyante nila,” sabi  ni Ginang Torres.