Grab driver, kalaboso matapos mabangga ang paa ng pasaherong bumaba

Sa kalaboso ang bagsak ng isang Grab driver na nakabangga ng kanang binti ng kanyang pasahero na bumaba matapos nilang magkaroon ng argumento.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, kinilala ng pulisya ang Grab driver bilang si Joseph Dingdavibar, 41-anyos na residente ng Libertad, Pasay City, samantalang ang biktima ay kinilalang si Remadel Zacarias ng Bonifacio Global City, Taguig.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagpahatid umano kay Dingdavibar si Zacarias, kasama ang kanyang 3-anyos na anak,  sa Department of Foreign Affairs sa Pasay City dakong alas-otso ng umaga ng Sabado, ika-5 ng Mayo.

Habang patungo sa destinasyon ay nakaramdam ng pagsakit ng ulo si Zacarias kaya sinabi niya kay Dingdavibar na ibalik siya sa kanilang bahay. Sinabi umano ni Dingdavibar na labag sa patakaran ng Grab ang nais ipagawa sa kanya si Zacarias.

Nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo nang magpumilit si Zacarias na ibalik sila sa kanilang bahay.

Nang nasa EDSA na sila ay tinawag ni Zacarias ang ilang traffic enforcers na namataan upang humingi ng tulong. Sa puntong iyon ay bumaba siya at ang kanyang anak sa sasakyan. Bigla namang pinaharurot ni Dingdavibar ang kanyang sasakyan at nasagi niya ang kanang binti ni Zacarias.

Nagkaroon ng kaunting habulan at sa bandang huli ay nakorner din ng mga traffic enforcers ang Grab driver. Haharap sa reklamong reckless imprudence resulting in physical injuries si Dingdavibar.