Gold bars napulot sa basurahan, mapupunta sa nakapulot kapag hindi nagpakita ang may-ari

Isang malaking kayamanan ang mapapasakamay ng isang janitor sa South Korea kapag hindi nagpakita ang tunay na may-ari ng pitong gold bars na napulot niya sa basurahan sa isang paliparan.

Ayon sa ulat ng Korea Times, natagpuan ng janitor sa Incheon International Airport noong nakaraang linggo ang pitong gold bars na isa-isang nakabalot sa diyaryo. Tinatayang aabot ang halaga ng mga ginto sa 350 milyong Won o katumbas ng US$327,000.

Sinabi ng pulisya na maaaring itinapon ng may-ari ang mga gold bars upang umiwas na mahuli na nagpupuslit ng ginto. Nakilala na umano ang may-ari ng mga gold bars na tumitimbang ng isang kilo bawat isa, ngunit hind ito pinangalanan.

Sa ngayon ay hindi pa umano nagpapakita ang may-ari ng mga gold bars upang bawiin ang mga iyon. Kapag sa loob daw ng anim na buwan at hindi pa iyon na-claim, mapupunta ang pagmamay-ari noon sa janitor na nakapulot.

At kung sakaling i-claim iyon ng may-ari, bibigyan pa rin ang janitor ng mula 5 hanggang 20 porsyento ng halaga ng mga gold bars.

Subalit kung mapapatunayan na ang mga gold bars ay konektado sa isang gawaing kriminal, walang makukuhang anuman ang janitor.