Eksperto nagbigay ng tips sa nauusong online grocery shopping

Hindi lang mga damit, accessories, gadgets at produktong pampaganda ang nabibili ngayon online, maging mga grocery items gaya ng gulay at karne ay maaari na ring mabili.

Malaking kabawasan sa abala ang mag-shopping online.

“Kapag mag-grocery kayo sa labas, mahirap. Isa na riyan ‘yong traffic,” ani Tess Goron, isang online shopper.

Sa ulat ng ABS-CBN, isang eksperto ang nagbigay ng paalala sa mga taong nais subukan ang online grocery shopping.

Payo ni Abe Olandres, isang tech expert, na kapag nagsisimula ka pa lamang sa online grocery shopping, mainam umanong piliin lang ang mga produkto na hindi perishable at mga babasagin.

“Kung bago lang tayo nag-try ng ganito, unahin natin ‘yong mga product na hindi perishable, babasagin, nabubutas para at least ang pag-deliver sa iyo, medyo safe,” ani Olandres.

Dagdag pa niya na kapag bago ka pa lang sa online grocery shopping ay hindi dapat gumastos agad ng malaki. Dapat din umanong piliin ang online store at delivery services na may magandang track record.

Kung may pag-aalinlangan umano ang online shopper na gumamit ng credit card, maaari rin naman ang cash on delivery.