Dismissal order ng Ombudsman kay Junjun Binay, binaliktad ng CA

MAYNILA, Pilipinas – Binaliktad ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Office of the Ombudsman na nagtanggal sa serbisyo kay dating Makati Mayor Junjun Binay dahil sa kasong grave misconduct at serious dishonesty.

Sa desisyon ng CA na may petsang Mayo 3 at nilagdaan ni Associate Justice Edwin Sorongon, sinabi nitong hindi puwedeng tanggalin sa puwesto si Binay dahil sa prinsipyo ng ‘condonation doctrine’.

“Verily, based on the foregoing circumstances and in line with the pronouncements of the Supreme Court in Carpio-Morales, the abandonment of the condonation doctrine should not be given any retroactive effect as to prejudice Binay, Jr. for the acts he allegedly committed when said doctrine was still in effect and duly recognized,” wika ng CA.

Condonation doctrine

Ang ‘condonation doctrine’ ay isang doktrina na nagsasaad na ang isang opisyal na muling nahalal ay hindi na dapat papanagutin pa sa mga naging pagkakamali nito noong nakaraang termino. Ang nasabing doktrina ay naniniwala na ang muling paghalal sa isang opisyal ay isang indikasyon na pinatawad na ito ng kaniyang nasasakupan.

Ang ‘condonation doctrine’ ay ibinasura na ng Korte Suprema noong 2015, subalit iginiit ng CA na maaari pa itong i-apply sa kaso ni Binay.

Walang epekto sa kasong kriminal

Taong 2015 nang ipag-utos ng Ombudsman na tanggalin sa puwesto si Binay at iginiit din ng anti-graft body na ang ilang dokumento ay pirmado ng dating alkalde matapos itong muling mahalal noong 2013.

Subalit iginiit ng appellate court na ang mga anomalyang kinasasangkutang ni Binay ay nangyari bago mag-2013 habang ang bidding ng Makati Parking Building, ang kasong kinasasangkutan ng dating mayor, ay nagsimula noon pang 2007.

“Considering that the present case was instituted prior to the ruling of the Supreme Court in Carpio-Morales, the condonation doctrine may still be applied,” wika pa ng CA.

Ganunpaman, ang nasabing desisyon ng CA ay hindi makaapekto sa kasong kriminal na kinakaharap naman ni Binay sa Sandiganbayan.