Bahagi ng EDSA, binaha dahil sa pagtagas ng tubo ng tubig

Kicker Daily News

Sa gitna ng mainit na panahon na nararanasan ngayon sa buong kapuluan, isang bahagi ng northbound lane ng EDSA ang binaha – hindi dahil sa ulan kundi dahil sa tumagas na tubo ng tubig.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, nagkaroon ng tagas ang tubo ng tubig ng Manila Water kaya binaha ang kahabaan ng EDSA-Pioneer. Umabot umano ang tagas ng tubig hanggang Guadalupe Bridge sa Makati. Ang nasabing tubo ay service line umano ng isang mall at hotel sa kalapit na lugar.

Sa isang pahayag, sinabi ni Dittie Galang, Communications Planning and Tactical Development Manager ng Manila Water, na Huwebes pa ng gabi, ika-3 ng Mayo, nang simulang magsagawa ng repair sa tumagas na tubo ngunit hindi iyon natapos.

Biyernes ng umaga, ika-4 ng Mayo, ay inabutan ng malakas na pressure ng tubig ang ginagawang pag-repair, ngunit hindi naman nila mahinaan ang pressure dahil mataas ang demand ng tubig. Hihintayin daw ng Manila Water ang oras kung kailan mahina ang demand sa tubig bago nila mahinaan ang pressure.

Ang  pagbaha ay nakapagpabagal ng daloy ng trapiko sa bahaging iyon ng EDSA. Ang mga taong dumaraan doon ay naapektuhan din. Kinailangan pang maglagay ng kahoy na matutulayan upang makatawid ang mga papasok sa kanilang mga trabaho.

Source :

ABS-CBN, RMN