Avengers-inspired campaign posters, viral sa social media

Kicker Daily News

Ilang araw na lamang at panahon na naman ng halalan para sa mga mamumuno ng barangay, kaya kaliwa’t kanan na ang mga naririnig na political jingles, nakasabit o nakakabit na campaign posters, at mga pinamumudmod na flyers ng mga kandidato upang mahingi at matiyak ang boto ng mga mamamayan.

Hindi rin nakaligtas ang mga social media users sa pangangampanya ng mga kandidato.

Pinag-uusapan ngayon ng mga netizen ang isang campaign poster na “Avengers-inspired” o ibinatay sa pelikulang Avengers na kamakailan lamang ay tumabo sa takilya at itinuturing na ngayong “highest-grossing movie of all-time” sa buong mundo.

Narito ang ibinahaging larawan ni Askale:

Kaya lang, maraming netizens ang nadismaya sa kumakalat na campaign poster na ito. Inilalarawan daw nito kung ano ang takbo ng pamumulitika sa Pilipinas. Mas mainam daw kung simple na lamang ang inilagay ng mga kandidato at isinama ang kani-kanilang mga plataporma.

Samantala, Avengers din ang tema ng campaign posters ng mga kandidato sa Brgy. Bagbag sa Novaliches, Quezon City batay sa ibinahagi ng Pilipino Star Ngayon social media portal.

Ayon sa iskedyul ng Commission on Election o COMELEC, nagsimula na ang panahon ng pangangampanya noong May 4, 2018 at nakatakdang magwakas sa May 12, 2018.

Matapos nito, lahat ng mga kandidato ay kailangang magpasa ng Statement of Contributions and Expenditures o listahan ng mga nagastos sa pangangampanya sa COMELEC pagkatapos ng halalan.