[Viral] Lalaking nag-amok umano, patay sa nagrespondeng parak; pero ang pulis kakasuhan din

MAYNILA, Pilipinas – Patay ang isang lalaking naghuramentado umano sa harap ng isang bangko sa Laguna kamakailan. Ang video ng pangyayari ay kumalat sa social media matapos itong i-upload ni ‘Madam Claudia’ sa kaniyang Facebook account nitong Sabado, ika-17 ng Disyembre.

Ayon sa caption ng video, ang insidente ay nangyari sa harap ng RCBC branch sa San Pedro, Laguna.

“Mabuti na lang nakunan ng video, malamang kung walang video ang idadahilan lang ng mga g*gong kapulisan na ito ay nanlaban,” ayon kay Madam Claudia.  “Kitang kita naman sa video na hindi nanlaban si Kuya..”

Kinilala naman sa ulat ng ABS-CBN News ang lalaking nag-amok umano noong nakaraang Biyernes na si Sharief Amatonding. Ang suspek ay pinaniniwalaang lango sa droga at nagwala matapos ang pakikipagtalo sa kaniyang asawa.

Ang nagrespondeng pulis naman at bumaril kay Amatonding ay kinilalang si PO3 Dizon na na-assign sa Biñan City Police.

Sa naturang video na nag-viral na sa internet, makikita ang kaguluhan sa harap ng isang bangko. Ilang sandali pa ay may lumapit na isang unipormadong pulis na mayroong hawak na baril.

Makalipas ang ilang saglit ay nilapitan ng pulis ang isang lalaki at kinuwelyuhan ito.

Maririnig na nagtatalo ang lalaki at ang pulis na nakawahak pa rin sa kuwelyo ng una. Matapos ang ilang sandali, binitawan ng pulis ang lalaki saka binaril.

Ayon sa panayam ng ABS-CBN News kay Superintendent Harold Depositar, hepe ng San Pedro City police, sinabi umano ni P03 Dizon na may bantang panganib sa nangyari matapos maghuramentado si Amatonding.

Base naman sa ibang ulat, nagtangka umanong mang-agaw ng armas si Amatonding at tumanggi itong bumitiw sa pagkakahawak sa pinto sa kabila ng pagpipilit ng pulis.

Ganunpaman, dahil kumalat na ang video ng insidente, iimbestigahan na rin at kakasuhan umano ang nasabing pulis.

Panoorin ang nasabing video.

Loading…