VACC gustong 20 ang bibitayin araw-araw kapag naibalik ang death penalty

Nananawagan ang Volunteers Against Crime And Corruption (VACC) sa kongreso na madaliin ang pagpasa sa death penalty bill, na isa umanong solusyon sa extrajudicial killings.

“Gusto n’yo po ba magkaroon lagi ng summary killings? Gantihan? Rido? Hindi na idadaan sa justice system?” sabi ni VACC Chairman Dante Jimenez noong Lunes, ika-19 ng Disyembre.

Sabi pa ni Jimenez, wala siyang nakikitang problema sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung maipasa na ang death penalty bill ay nais niyang patawan ng parusang kamatayan ang lima hanggang anim na kriminal araw-araw.

Aniya, kulang pa raw ang hirit ng Pangulo. Kung siya ang masusunod ay dalawampung kriminal ang parurusahan ng kamatayan araw-araw at ang gusto niya ay sa pamamagitan ng bitay na gagawin sa isang pampublikong lugar.

“Mura na, makakatipid ka pa sa kuryente at gamot,” paliwanag ni Jimenez.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, ang House Bill 1, na pumasa na sa Committee on Justice sub-committee on Judicial Reform ng mababang kapulungan ng kongreso noon pang nakaraang buwan, ay nagprisinta ng tatlong paraan ng kamatayan – lethal injection, firing squad at bitay.

 

Source :

ABS-CBN, Philstar