Trump, sumumpang lilipulin ang mga terorista

Sumumpa si US President-elect Donald Trump na buburahin niya sa balat ng lupa ang mga terorista.

Ayon sa ulat ng NY Post, ginawa ni Trump ang kanyang pahayag matapos ang madugong pag-atake sa Christmas market sa Berlin, Germany, kung saan isang malaking truck ang umararo sa mga tao na namimili doon na ikinasawi ng 12 at ikinasugat ng marami pang iba.

Aniya, patuloy na pinapatay ng ISIS ang mga Kristiyano sa kanilang mga komunidad at mga simbahan bilang bahagi ng kanilang global jihad.

Dagdag pa ni Trump, kailangang mabura na sa balat ng lupa ang mga terorista at mga kaanib ng mga ito sa iba’t ibang panig ng daigdig. Kasama ang mga kapanalig na mapagmahal sa kalayaan, gagawin umano ni Trump na isang misyon ang pag-ubos sa mga terorista.

Dapat na aniyang matigil ang walang habas na pagpatay ng ISIS at iba pang Islamist terrorists sa mga Kristiyano.

Ipinarating ni Trump ang kanyang pakikiramay sa mga naulila ng  mga biktima ng pag-atake sa Berlin.