Survivor ng Colombian plane crash, nakaligtas umano dahil nakipagpalit ng upuan sa isang journalist

Isa si Ruschel sa 6 na masuwerteng nakaligtas sa trahedya| Image from OGOL

Bagama’t nagdadalamahati dahil sa trahedyang sinapit ng kaniyang mga kaibigan, nagpapasalamat naman sa Diyos si Alan Ruschel matapos makaligtas sa pag-crash ng eroplanong kanilang sinasakyan sa Colombia noong Nobyembre 28.

Si Rushcel ay isa sa anim katao na himalang nakaligtas matapos bumagsak ang  Avro AJ85 ng Lamia sa kabundukan ng Colombia sakay ang 77 katao na kung saan 71 sa mga ito ay namatay.

Ayon sa kuwento ni Ruschel, napilitan siyang lumipat ng upuan dahil sa panghihimok ni club director Cadu Gaucho na paupuin ang isang mamamahayag sa kaniyang puwesto.

Noong una umano ay nagdadalawang-isip siya subalit pumayag na rin nang makitang makakatabi niya ang kaniyang matalik na kaibigan at teammate na si  Jackson Follman.

“I didn’t want to but then I saw Jackson Follman and he insisted I sit beside him. Only God can explain why I survived the accident. He grabbed me and gave me a second chance,” kuwento ni Ruschel na naglalaro bilang defender para sa Chapecoense football team.

Si Follman ay nakaligtas din sa aksidente subalit kailangang putulan ito ng isang paa, habang si Ruschel ay sumailalim sa isang maselang operasyon dahil sa tinamong sugat sa kaniyang likod.

Wala na umano siyang maalala pa sa nangyaring trahedya subalit nang malaman ang sinapit ng kaniyang mga kasamahan ay hindi siya makapaniwala dahil akala niya ay isang bangungot lamang ang nangyari.

“I try not to speak of the accident, I avoid the news, but from the little I’ve seen I think it was greed on the pilot’s part,” ayon pa kay Ruschel.

Labingsiyam (19) sa mga kasamahan ni Ruschel sa team ay namatay sa nasabing aksidente kasama na ang ilang mamamahayag, miyembro ng team management at coaching staff.

Ang grupo ay patungong Colombia upang maglaro sana sa 2016 South American Cup laban sa Atletico Nacional.

Maliban kay Ruschel at Follman, nakaligtas din ang kasamahan nilang si Zampier Neto, ang journalist na si Rafael Valmorbida at dalawang creww na sina Ximena Suárez at Erwin Tumiri.