Pulis sa Thailand, nagbihis babae upang mahuli ang mga holdaper na bumibiktima sa mga kababaihan

Dahil sa sunud-sunod na kaso ng panghoholdap sa lugar sa labas ng Bangkok, nagpasya ang isang dedikadong pulis na gumawa ng hakbang upang masolusyunan ang problema sa pamamagitan ng paglalagay ng bitag laban sa mga holdaper na bumibiktima sa mga babaing nagko-commute mag-isa tuwing madaling-araw.

Si Pol. Sgt. Maj. Wiwek Kamolwin ay nagbalatkayo bilang isang magandang babae. Nagsuot siya ng mahabang wig at magandang blouse. May dala rin siyang isang pitaka na siguradong makatatawag-pansin sa mga holdaper at naghintay sa isang bus stop sa Rattanathibet Road sa pagitan ng 4am at 5am.

Hindi naman nabigo ang plano dahil hindi nagtagal ay may nakita siyang dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo na umaaligid-aligid sa lugar, subalit. mukhang nakatunog ang dalawang suspek kaya mabilis na umarangkada palayo.

Malas lang ng mga suspek dahil na-plakahan sila ng “magandang pulis.” Nag-match ang plaka ng motorsiklo sa mga numerong ibinigay ng mga biktima. Nahuli ang mga salarin sa isang follow-up operation.

Ayon sa ulat ng Coconuts Bangkok, nagulat raw ang pamilya ni Pol. Sgt. Maj. Kamolwin nang makita siya sa balita sa telebisyon na nakadamit-pambabae. Aniya, hindi niya ipinaalam sa kanila ang kanyang pagbabalatkayo.

 

Loading…