Popular na beauty blogger, patay sa sirang de-kuryenteng shower

 Natagpuang nakahandusay at wala nang buhay ang isang popular na beauty blogger sa paliguan sa loob ng kanyang hotel room sa Bali, Indonesia noong Martes ng umaga, ika-12 ng Disyembre.

Ang 26-anyos na si Rini Cesillia ay natagpuan ng kanyang kaibigan sa loob ng banyo na walang saplot at hawak pa ang shower head. May mga marka pa ng sunog na nakita sa kanyang dibdib. Hinihinalang sira ang de-kuryenteng shower na naging dahilan ng kanyang pagkasawi.

Ayon sa ulat ng The Sun, nag-alala ang mga kaibigan ni Rini nang hindi niya sinasagot ang mga tawag sa telepono kaya pinuntahan nila ito sa tinutuluyang hotel. Nagulat umano ang 20-anyos na kaibigan ni Rini na si Maria Istella Bambang nang makitang umaapaw na ang tubig mula sa banyo hanggang sa sahig ng  kwarto. Doon na niya natagpuan ang wala nang buhay na si Rini.

Suspetsa ni Inspector Bangkit Dananjaya, ng South Denpasar Police Criminal Investigation Unit sa Bali, namatay si Rini dahil sa electric shock. Dinala ang katawan ng blogger sa Sanglah Hospital kung saan magsasagawa ng post-mortem examination upang matukoy  kung ano talaga ang kanyang ikinamatay.

 

 

 

 

Source :

The Sun, Mirror