Planong ‘pagpapatalsik’ kay Duterte, pakulo umano ni dating US Amb. Goldberg – Report

MAYNILA, Pilipinas– Bago pa man tuluyang nilisan ni dating US Ambassador Philip Goldberg ang kaniyang puwesto, nag-iwan umano ito ng isang ‘blue print’ na naglalaman ng mga hakbang para tuluyang matanggal sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang naturang pagbubunyag ay inilabas sa isang artikulo ng Manila Times may petsang Disyembre 27 at sinulat ni Dr. Dante Ang.

Ayon kay Ang, ang ‘blue print’ umano ay naglalaman ng mga ‘estratehiya’ upang pahinain ang kapangyarihan ni Duterte at tuluyan itong tanggalin sa Malakanyang. Ang ‘time table’ ng nasabing plano ay hanggang isa’t-kalahating taon.

Nasasaad din umano sa naturang plano na kailangan ng mga ‘political actors’ o ng oposisyon na palakasin ang kanilang impluwensiya at kapangyarihan upang mapalitan si Duterte ng mula sa kanilang hanay. Ganunpaman, isa umano itong malaking hamon sa oposisyon.

Para daw pabagsakin si Duterte, kasama sa plano ang panunumbat sa administrasyon tungkol sa mga pangako noong eleksiyon na hindi natupad, hindi pagbibigay ng ‘military assistance’ sa Pilipinas subalit patuloy na pagtulong sa ibang miyembro ng ASEAN, paghimok ng suporta para sa oposisyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga ‘aids’ at ‘grants’ dito, at pagpalawak ng hidwaan sa pagitan ng mga mambabatas gamit ang isyu ng ‘charter change’ o cha-cha.

Personalidad

Tatlong kilalang personalidad din ang nabanggit sa nasabing ‘Goldberg blue print’ – sina dating Pangulong Fidel Ramos, Bise Presidente Leni Robredo at dating Senador Bongbong Marcos.

Para kina Ramos at Robredo, nais umano ni Goldberg na kontrolin ang pagpapahayag ng suporta sa kanila para hindi maalarma ang kampo ni Duterte sa napinpintong ‘coup de ‘etat’, bagama’t inamin din ng dating US Ambassador sa Pilipinas na ang planong ‘coup’ ay may kahirapan.

Para naman kay Marcos, nais umanong malaman ni Goldberg kung ano ang mga pananaw ng anak ng dating diktador tungkol sa ilang isyu tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), agawan sa teritoryo ng Tsina, human rights at relasyong Pilipinas-Amerika.

Paiimbestigahan

Minaliit naman ng Palasyo ang ‘Goldberg blue print’ at sinabing hindi ito mangyayari dahil patuloy pa ring suportado ng maraming Pilipino si Pangulog Duterte.

“As we can see, you know, the President continues to enjoy the trust of the people. People on the ground apparently appreciate what he’s doing,” ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

Samantala, nais namang paimbestigahan ni Speaker Pantaleon Alvarez ang naturang lumabas na plano.

Ayon kay Alvarez, hindi umano ito magandang balita dahil isa itong pakikialam sa ‘sovereignty’ ng isang bansa, kung totoo man.

“Balak kong paimbestigahan iyan sa Kongreso pagbalik natin ngayong Enero. At kailangan talaga nating alamin iyan. Mahirap palampasin ang mga ganyang usapan dahil alam naman nating lahat na napakalaki po ng mandato ng ating Pangulo magmula sa sambayanan,” ayon kay Alvarez.