Pinay blind singer, third place winner sa France Got Talent finals

Hindi man pinalad na masungkit ni Katchry Jewel Golbin, ang Pinay blind singer na tubong Capiz, ang kampeonato sa La France a un Incroyable Talent o France Got Talent ay malaking karangalan pa rin ang dala niya sa Pilipinas bilang third place winner mula sa 12 finalists.

Inawit ni Katchry, na kilala sa France bilang si Alienette Coldfire, sa kanyang final performance ang  “Quand on n’a que l’amour” o “When Love is All You Have” ni Jacques Brel.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, umani ito ng standing ovation mula sa live audience.

Bagama’t isang dayuhan sa bansang Pransya, nakakuha si Katchry ng 70,000 text votes. Text votes ang naging batayan sa mga nagwagi.

Nauna nang sinabi ng napakahusay na blind singer na mas nakalalamang sa kanya ang mga katunggali dahil nasa sariling bansa nila ang mga ito. Aniya, kumuha siya ng lakas sa suporta ng mga kababayan at naging sandalan ang dasal.

Si Antonio, isang magician, ang tinanghal na grand winner ng France Got Talent 2016.