Pekeng police asset, arestado sa pangingikil sa mga taong kasama sa drug watch list

Isang nagpapanggap na police asset ang arestado matapos ang isang entrapment operation na isinagawa ng pulisya laban sa kanya.

Ayon sa ulat ng GMA News, ang modus operandi ng suspek na kinilalang si Christian Pio, na kilala sa alyas na “Daga”, ay ang mangikil sa mga taong sangkot sa droga. Pinapangakuan umano ni Daga ang mga bibiktimahin na kaya niyang alisin sa listahan ang kanilang pangalan upang hindi sila ma-Tokhang (pagpapasuko ng mga pulis sa mga drug suspects). Nagpapakilala umano si Daga bilang isang police asset.

Sa isang video na kinunan ng bibiktimahin ni Daga at ng kasabwat na nakilala lang sa pangalang “Jason”, nakitang nagbigay ng isang libong piso ang biktima bilang paunang-bayad sa P10,000 na hinihingi ni Daga upang maalis sa “Tokhang list” ang kanyang pangalan.

Humingi ng tulong sa mga pulis ang biktima at doon na ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Group ang entrapment operation laban sa pekeng police asset.

Huli sa akto ang suspek na tinatanggap ang pera mula sa kanyang biktima. Bagama’t nakuhanan ng ebidensiya laban sa kanya, todo-tanggi pa rin si Daga sa paratang sa kanya. Aniya, ang biktima ang nag-alok ng pera kapalit ng tulong na maibibigay niya.

Pinaghahanap pa ng pulisya ang kasabwat na si Jason.

 

Source :

YouTube

Loading…