[Panoorin] Pagsalba sa isang bagong silang na sanggol na nasa bingit ng kamatayan, nakunan ng video

Isang bagong silang na sanggol ang pinagtulungang isalba ng isang medical team sa Palayan City sa Nueva Ecija matapos itong malagay sa bingit ng kamatayan.

Nakunan ng video kung paanong nagsumikap na sagipin ng medical staff ng Integrated Medical Health Office sa kamatayan ang sanggol na bagama’t nailuwal na ng kanyang ina ay nalagay ang buhay sa bingit ng kamatayan.

Ayon sa ulat ng GMA News Online, nasa biyahe pa lang patungo sa ospital ang ina nang lumabas ang ulo ng sanggol at naipit sa maselang bahagi ng katawan ng  kanyang ina.

Makikita sa video kung paanong paulit-ulit na binigyan ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) ang sanggol at tinapik-tapik ang likuran nito upang masagip.

Maririnig naman ang isang tinig ng kaanak umano ng ina at sinabihan ito na magdasal at huwag umiyak.

Ilang saglit pa, narinig din ang pinakaaasam na pag-iyak ng sanggol.

Panoorin ang video (PAALALA: Sensitibo ang nilalaman ng video):