Pangulong Duterte sa mga anak ng mga sundalo: “Walang droga, ha… masisira ang buhay n’yo”

Dinumog ng mga bata na pawang mga anak ng mga sundalo si Pangulong Rodrigo Duterte nang bumisita siya sa Northern Luzon Command (NolCom) ng Armed Forces of the Philippines  sa Camp Servillano S. Aquino sa San Miguel, Tarlac noong Linggo, ika-11 ng Disyembre.

Sa video na kuha ni Dexter Joie Ganibe ng DZMM, makikita ang mga bata na nagpakuha ng litrato na nakatikom ang mga kamao tulad ng kilalang campaign pose ni Pangulong Duterte.

Habang kinukunan sila ng larawan, narinig na nagpayo ang Pangulo sa mga bata: “Walang droga, ha. Masisira ang buhay n’yo.”

Matapos ang picture taking ay isa-isang nagmano ang mga bata sa Pangulo bilang pagbibigay-galang sa kanya.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, ang Pangulo ay nagtungo sa NolCom upang ipaalam na may matatanggap na Chrismas gifts ang lahat ng sundalo. Darating na lang umano ang mga regalo sa mga kampo-militar.

“May sapat tayong savings,” ani Pangulong Duterte. “Hindi sapat para sa lahat, pero may kaunti para sa sinuman na nasa Armed Forces.”