Pangulong Duterte, muling nakakuha ng “very good satisfaction rating” sa survey ng SWS

Nagpahayag ng lubos na pasasalamat sa publiko ang Malacañang matapos ang pagbibigay nila ng “very good net satisfaction rating” sa pinakahuling survey na ginawa ng Social Weather Stations (SWS).

Sa resulta ng survey na ginawa noong ika-3 hanggang ika-6 ng Disyembre sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,500 na adults sa buong bansa, nakapagtala ang Pangulo ng +63 satisfaction rating. Mababa lang ito ng 1 puntos sa nakaraang survey na ginawa noong buwan ng Setyembre.

Ayon sa GMA News Online, ang “classification” ng rating na ginamit sa survey ay ang mga sumusunod: +70 , “excellent”; +50 hanggang +69, “very good”; +30 hanggang +49, “good”; +10 hanggang +29, “moderate”; +9 hanggang -9, “neutral”; -10 hanggang -29, “poor”; -30 hanggang -49, “bad”; -50 hanggang -69, “very bad”; at -70 pababa, “execrable.”

Sa panahon ng survey, ang mga mahahalagang pangyayari ay ang pakikipag-usap ng Pangulo kay US President-elect Donald Trump, ang pag-raid sa online gambling operation ni Jack Lam at ang pagre-resign ni Vice President Leni Robredo sa Gabinete.

Sa isang pahayag, sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar na ang resulta ng survey ay nagpapakita lang ng patuloy na malakas na suporta ng publiko kay Pangulong Duterte at sa kanyang administrasyon.

“Magsisilbi iyon (resulta ng survey) na inspirasyon (para sa Pangulo) upang doblehin niya ang pagsisikap na tuparin ang sinumpaang tungkulin at ang mga pangakong aalisin ang droga, korapsyon at krimen sa ating lipunan,” ani Andanar.