Pangulong Duterte kabilang sa listahan ng mga pinakamakapangyarihang tao sa buong mundo

Kabilang si Pangulong Rodrigo Duterte sa listahan ng 74 na pinakamakapangyarihang tao sa buong mundo na ginawa ng Forbes Magazine.

Ayon sa Forbes, nasa 7.4 bilyon ang tao sa daigdig at pumili sila ng isa sa bawat 100 milyon na mayroong malakas na impluwensiya sa mga tao. Sabi pa nito, isinaalang-alang nila ang mga tao sa lahat ng antas ng pamumuhay sa buong mundo sa pagpili ng mga isasali sa “annual rankings” na ito.

Si Russian President Vladimir Putin ang nanguna sa listahan. Apat na sunud-sunod na taon na siyang nangunguna sa listahan. Pumangalawa naman si US President-elect Donald Trump.

Si Pangulong Rodrigo Duterte ay nasa ika-70 posisyon sa listahan. Ayon sa Forbes, isa ang Pangulo ng Pilipinas sa labing-isang bagong pangalan na nakabilang sa listahan.

Si outgoing US President Barack Obama naman na pumangalawa sa listahan noong 2015 ay nalaglag sa ika-48 na puwesto.

Matutunghayan ang buong listahan sa website ng Forbes Magazine.

Loading…