P60K halaga ng paputok kumpiskado sa La Union

  • P60K halaga ng paputok kinumpiska ng mga pulis sa La Union
  • May ari ng 11-kahong pyrotechnic devices at 60 sari-saring paputok, walang kaukulang permit para makapagbenta nito
  • Ayon sa may-ari ng establisyimento, hindi nila batid na kailangan ng permit para makapagbenta ng paputok

Labing-isang kahon ng pyrotechnic devices at 60 na sari-sari at hindi dokumentadong mga paputok na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P60,000.00 ang nakumpiska ng mga miyembro ng kapulisan sa Barangay Pagdaraoan, San Fernando City, La Union.

Ayon sa imbestigador na si PO3 Arnold Santos, nakatanggap sila ng ulat na may mga nagbebenta ng paputok sa kanilang nasasakupan na walang kaukulang permit kung kaya’t gumawa sila ng aksyon.

Agad silang nagkasa ng joint-operation sa isang establisyimento sa Barangay Pagdaraoan at doon nga nila nahuli ang mga nabanggit na paputok.

Sinubukang kunin ng ABS-CBN News ang panig ng may-ari ng establisyimento subalit tumanggi silang magpaunlak ng panayam.

Sinabi lamang ng mga ito na hindi nila alam na kinakailangan ng permit para makapagbenta ng mga ganoong produkto sapagkat hindi naman sila hiningan nito noong nakaraang taon.

Maibabalik rin naman ang mga nakumpiskang produkto sa oras na magbayad ang may-ari ng multang nagkakahalaga ng limang libong piso.

Source :

ABS-CBN News