Notoryus na ‘robbery group’ sa Rizal natiklo sa engkuwentro ng mga pulis; 4 na miyembro patay

MAYNILA, Pilipinas – Patay ang apat na miyembro ng notoryus na ‘highway robbery group’ sa Rizal matapos makaengkuwentro ang ilang pulis ng Cainta-PNP nitong Miyerkules, ika-27 ng Disyembre.

Arestado rin ang 15 miyembro ng tinaguriang ‘Highway Boys Group’ na sangkot umano sa serye ng panghoholdap at pagpatay sa kalapit-lugar at maging sa Metro Manila.

Ayon kay Sr. Supt. Marlon Gnilo, hepe ng Cainta Police, matagal na nilang minamanmanan ang grupo makatapos makatanggap ng impormasyon na marami nang pinatay ang mga kriminal at ibinaon ang mga labi ng kanilang biktima sa hindi pa matukoy na lugar.

Nitong Martes, nagsagawa ng operasyon ang pulisy at nalambat ang karamihan sa miyembro ng grupo. Ilan umano sa mga ito ay nanlaban kaya napatay sa engkuwentro.

Naaktuhan pa umanong kasalukuyang naglilibing ng bangkay ang grupo sa kanilang pinagkukutaan sa Cainta, Rizal

Kasalukuyan nang nakakulong ang 15 lalaki at isa sa mga ito ay kasalukuyang isinasailalim sa interogasyon upang matukoy ang sinasabing ‘mass grave’ kung saan umano inilibing ng grupo ang labi ng kanilang mga pinatay.

Maliban sa panghoholdap, pinaniniwalaang sangkot din ang grupo sa ‘gun-for-hire operation’ at sa ilegal na droga sa lugar.