Mga baboy na lilitsunin, nakatakas sa skyway

Nagulantang ang ilang mga motorista na bumabagtas sa skyway malapit sa Ninoy Aquino International Airport exit ng highway nang bumulaga sa kanila ang maraming baboy na nagkalat sa daan.

Sa video na kuha ng isang Pia De Jesus, makikitang sandaling napahinto ang isang sasakyan matapos humarang sa daraanan nito ang mga baboy. Nakita pa sa footage ang isang lalaki na tinitipon ang mga baboy patungo sa gilid ng skyway.

Ayon sa ulat ng GMA News Online, ang mga baboy ay nakatakas matapos madisgrasya ang delivery truck at tumagilid sa kalsada. Pinaniniwalaang nakatakdang ilitson ang mga baboy dahil ang truck ay pag-aari ng isang sikat na litsunan – ang Lydia’s Lechon.

Hindi naman nagtagal ay naialis rin sa skyway ang mga baboy at ang delivery truck.

Narito ang video na ibinahagi ng GMA News Online: