Matandang ‘makakalimutin’ na at nawawala, inihatid ng Davao City 911 sa tulong ng isang netizen

MAYNILA, Pilipinas – Ang kuwentong ito ay ibinahagi ng isang netizen sa Facebook, at isang patunay umano na ang kapulisan sa Davao City ay handang tumulong sa mga nangangailangan; gaano man kaliit o kalaki ang kanilang suliranin.

Image from Jayson Gumanid’s Facebook post

Ayon sa kuwento ni Jayson Gumanid, nangyari ang kaniyang nakatutuwang karanasan noong isang linggo nang lumapit sa kaniya ang isang matanda na nagngangalang “Tatay Rodolfo” upang humingi ng tulong.

Akala raw niya ay mamamalimos ito ng pera, pero nais lang palang magpatulong na makauwi ng kanilang bahay dahil nawawala ito at nakalimutan na rin kung paano sumakay para makarating doon.

“Akala ko manghihingi lang ng limos, only to find out na since umaga pa po siya paikot-ikot hindi niya na raw alam papauwi sa kanila kasi medyo pumapalya na ang memorya niya,” ayon kay Jayson.

May dala umanong ID si “Tatay Rodolfo” at isang pirasong papel kung saan nakasulat ang address ng kanilang bahay at “instructions” dito.

Gustuhin niya man daw ihatid ang matanda, ay hindi niya rin kabisado ang address na nakasulat sa papel, at nangangamba siyang baka pareho lang silang maligaw.

Kung pasasakayin naman daw niya ito ng bus, hindi rin alam ng matanda ang direksyon pagkababa mula dito at baka lang tuluyan na itong maligaw at mawala.

Dito niya naisip tawagan ang Davao City 911.

Image from Jayson Gumanid’s Facebook posts

“Naisip ko, tumawag ng 911. I thought in distress naman si Tatay at kailangan ng immediate assistance,” kuwento ng netizen.

“May disclaimer ako, sabi ko “hindi naman po emergency or accident, pero hihingi lang po sana kami ng assistance for Mr. Rodolfo…” and I provided details para maka dispatch na sila,” dagdag pa nito.

Sa loob ng 20 minuto, dumating ang sasakyan ng 911 at agad na inihatid pauwi sa kanilang bahay si “Tatay Rodolfo”.

“911 works. The police force works. The system works. Malayo po sa pinoportray ng media sa kapulisan. Malayo po sa binabalita nilang puro negatibo na lang laban sa administrasyon,” sabi pa ng netizen.

“Kudos po sa 911! Maraming salamat sa pag assist kay tatay. Maliit man po na bagay ito pero it’s comforting to know na kasangga mo ang kapulisan at ang gobyerno in times like these,” pagtatapos nito sa kaniyang kuwento.

Source :

Facebook