Mamamahayag na tinuligsa ang pagkadiskubre ng ‘shabu lab’ sa Catanduanes, patay sa pamamaril

MAYNILA, Pilipinas – Patay ang isang kolumnista at publisher ng lokal na peryodiko sa lalawigan ng Catanduanes matapos itong pagbabarilin ng isang lalaki nitong Lunes ng umaga.

Ayon sa pahayag mula sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), napatay si Larry Que matapos itong barilin ng hindi pa nakikilalang gunman habang papasok sa kaniyang opisina ng insurance sa Virac pasado alas-10 ng umaga.

Tuluyang binawian ng buhay ang biktima Martes ng madaling araw dahil sa tama ng bala ng baril sa ulo.

Si Que ay isang kolumnista at publisher ng lokal na peryodikong ‘Catanduanes News Now’.

Sa kaniyang column na nalathala noong ika-13 ng Disyembre, tinuligsa ni Que ang kapabayaan umano ng lokal na gobyerno ng Catanduanes matapos madiskubre ang isang malaking pagawaan ng ilegal na droga sa Virac kamakailan.

Sinabi rin ni Que sa kaniyang artkulo na malaki ang posibilidad na ang naturang laboratory ay ipinatayo ng mga Intsik sa probinsiya upang tulungan ang kanilang kapwa-Intsik.

Nagdulot umano ng kahihiyan sa lalawigan ang naturang pangyayari.

Ayon pa sa NUJP, ang suspek na pumatay kay Que ay nakasuot ng bonnet at sakay ng isang motorsiklo.

Samantala, isa pang mamamahayag sa Virac ang nagpahayag ng pangamba dahil sa nangyari.

Ayon kay Jinky Tabor, isang brodkaster na nakasaksi sa pag-raid sa nasabing laboratory ng shabu, maging siya rin ay nakatanggap ng mga pagbabanta sa kaniyang buhay.

SI Que ang kaunaunahang miyembro ng media na napatay sa ilalim ng administrasyong Duterte, ayon pa sa NUJP, bagama’t dalawang mamamahayag na umano mula sa Mindanao at Pangasinan ang pinagtangkaan ang buhay subalit parehong nakaligtas.

1 Comment

  1. Malinaw na trabahong ginawa sa kalaban sa pulitika at sa illegal na druga sa Catanduanes. Nakakapagtaka tahimik lang ang issue. Nasaan na ba mga police, nbi, local officials???

Comments are closed.