Lumang simbahan sa Batangas na itinayo noon pang 1700s, ipinade-demolish ng pari

Isang lumang simbahan sa Taal, Batangas na itinayo noong panahon pa ng mga Kastila ang ipinagigiba ng kura paroko ng Taal na si Msgr. Alfredo Madlangbayan dahil ipakukumpuni raw iyon.

Ayon sa ulat ng Inquirer, nabigla umano si Kevin Klaine Bermejo, isang heritage advocate, nang makita niyang giniba ang harapan ng Bagumbayan Church na alay kay San Jose na itinayo pa noong huling bahagi ng 1700s.

Sinabi ni Bermejo na ang gagawin umanong pagkumpuni sa lumang simbahan ay upang itaas ang kisame at palaparin ang sahig nito.

Si Msgr. Madlangbayan, ayon pa rin sa ulat, ay nasangkot na rin sa isang kontrobersya noong 2013 nang nagsimula siyang magpatayo ng isang “events venue” sa gilid ng sinauna at pinakamalaking simbahan sa buong Asya na Basilica of Saint Martin de Tours sa naturang bayan. Agad naman itong naipahinto ng korte dahil sa petisyon ni Ramon Orlina, isang bantog na iskultor sa Taal.

Nananawagan si Bermejo sa pamahalaan at sa mga matataas ng opisyal ng Simbahang Katolika sa bansa na gumawa ng agarang aksyon habang hindi pa huli ang lahat.