Lalaking naaksidente, ‘nagkamalay at walang anumang bumangon’ matapos ipagdasal ng isang babae?

MAYNILA, Pilipinas – Kumalat ang larawan ng babaeng ito sa social media kamakailan, bagama’t walang katiyakan kung may katotohanan ang kuwento sa likod nito.

Ayon sa Facebook page na Tambayan ni Berto, ang lalaki umano na nakahandusay sa larawan ay naaksidente habang sakay ng kaniyang motorsiklo.

Bigla umanong dumating ang naturang babae at hinawakan ang lalaki habang nagdarasal nang nakaluhod.

Subalit nang dumating na ang mga pulis ay pinaalis ng mga ito ang babae.

Tumalima naman ang babae at diumano’y lumayo nang bahagya subalit muli umano itong lumuhod at nagdasal, saka tuluyang nawala, ayon daw sa mga nakasaksi.

Makalipas ang ilang sandali, bigla na lang umanong nagkamalay ang lalaki at bumangon nang parang walang nangyari.

“Doon na namalayan ng mga tao na pagkatapos ng pagdasal ni nanay ay gumaling agad ito. kung saan ka man ngayon nay GODBLESS po. salamat po sa concern niyo sa lalake,” ayon pa sa caption ng post.

Hindi naman matiyak kung totoo nga ang nangyari ayon sa kuwento ng nagbahagi ng larawan, bagama’t humakot ng samu’t-saring reaksiyon ang naturang post sa Facebook.

Ang sapantaha ng ibang netizen, maaaring hindi naman talaga masyadong nasaktan ang lalaki kaya nagkamalay kaagad ito, lalo pa’t nakasuot naman ito ng helmet.

Ganunpaman, sabi naman ng ilan, kung totoo man ang nasabing kuwento, ito ay isang malaking himala mula sa Diyos.