Lacson may biro kay De Lima sa posibleng pagtatago: ‘Huwag mo akong gayahin’

MAYNILA, Philippines – Bago pa man tuluyang lumipad si Senador Leila De Lima nitong Linggo, nakuha pa umano itong biruin ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na huwag gayahin ang kaniyang pagtago noong 2010.

Si De Lima ay tumulak na patungong Estados Unidos kahapon upang tumanggap ng parangal bago didiretso papuntang Berlin, Germany kung saan naman siya nakatakdang magbigay ng talumpati sa gaganaping Annual Conference on Cultural Diplomacy.

Ayon kay Lacson, biniro niya umano si De Lima sa gitna ng pangamba ng ilang grupo na tuluyan na itong magtatago at hindi na babalik sa bansa upang makaiwas sa mga kaso at kontrobersiyang kinakaharap.

“In jest, sabi ko sa kanya, bumalik ka. Huwag mo akong gayahin … so sabi naman niya, ‘babalik talaga ako’ dahil haharapin niya daw ‘yung kaso,” kuwento ni Lacson sa mga mamamahayag nitong Lunes.

Wala rin umano siyang nakikitang dahilan para pigilan si De Lima na makalabas ng bansa dahil wala namang warrant of arrest laban sa senadora.

Inihalintulad niya rin ito nang siya ay magtago rin sa batas mahigit anim na taon na ang nakararaan.

“I don’t see anything wrong with her leaving kasi wala namang warrant of arrest against her eh. Wala naman court order na may HDO (hold departure order) siya,” ayon kay Lacson. “By the way, nung umalis ako, wala rin akong warrant of arrest ah.”

Matataandang nagtago si Lacson nang mahigit 14 buwan matapos idawit ng administrasyong Arroyo noon sa pagpatay kina Salvador ‘Bobby’ Dacer at drayber nitong si Emmanuel Corbito.

Bumalik lamang ang dating Philippine National Police (PNP) chief sa bansa noong Marso 2011; ilang buwan matapos maupo si dating Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III.

Ang kuwento ng kaniyang pagtatago ang naging basehan ng pelikulang “10,000 Hours” na pinagbidahan ni Robin Padilla.