Kamara namudmod ng pera, tiket papuntang Europe sa ginanap na ‘magarbong’ Christmas party

MAYNILA, Pilipinas – Sa kauna-unahang Christmas party ng Mababang Kapulungan sa ilalim ng bagong administrasyon, pinamumudmuran umano ng maraming pera at mga tiket patungong Europe bilang premyo ang mga mambabatas.

Kabilang din sa mga naging premyo ay mga biyahe papuntang Hong Kong at Korea, bakasyon sa Balesin Island Club sa Quezon province at ilang pirasong ‘curved’ HD Samsung na telebisyon.

Ayon sa InterAksyon, kabilang sa mga nagbigay ng pera para sa mga premyo ay sina Davao del Norte Representative Antonio “Tony Boy” Floirendo Jr. na nagbigay umano ng P1-M at si Speaker Pantaleon Alvarez na nagbigay naman ng P500,000.

Nag-ambag din ng karagdagang P250,000 si Majority Leader Rodolfo Fariñas habang nagbigay naman ng P249,000 si Minority Leader Danilo Suarez.

Isa naman sa masuwerteng mambabatas ay si Albay Rep. Edcel Lagman na nakatanggap umano ng P250,000. Itinanggi rin nito ang usap-usapan na P1-M ang kaniyang nakuha mula kay Floirendo.

“The P1 million which Congressman Tonyboy Floirendo donated was broken down to one P500,000, and 10 P50,000 for a total of P1 million,” paliwanag ni Lagman; isa sa miyembro ng oposisyon sa Mababang Kapulungan.

“With respect to the prize which I won, it’s P250,000. And this is part of the prize given by the Speaker; it did not come from the prize donated by Congressman Floirendo,” dagdag pa nito.

Ang nakakuha ng grand prize sa Christmas party na ginanap nitong Miyerkules ay nag-uwi umano ng dalawang tiket papuntang Europe habang 15 mambabatas naman ang masuwerteng naghati-hati sa 15 mamahaling Samsung TV.

‘Nalasing’ pa umano si Floirendo at nagtalumpati sa gitna ng kasiyahan kung saan ipinagmalaki nito ang pagiging makapangyarihan ng partido ng kasalukuyang administrasyon.

Hinimok din daw ng mambabatas ang mga miyembro ng oposisyon, partikular na si Rep. Lagman, na lumipat na at sumali sa kanila.

Ngunit sa isang text message na ipinadala ni Speaker Pantalaeon Alvarez sa Inquirer, itinanggi nito na nagbigay siya ng kalahating milyon. Hindi raw niya alam kung kanino nanggaling ang nasabing pera dahil maaga siyang umuwi ng gabing iyon.

Ganunpaman, ayon kay Alvarez, kung totoo ngang nagbigay ng P1-M si Floirendo, wala naman umanong masama dito dahil hindi naman ito pera ng bayan.

1 Comment

Comments are closed.