Gov. Migz Villafuerte magpapalechon lumikas lamang ang kaniyang nasasakupan dahil sa bagyong ‘Nina’

MAYNILA, Pilipinas – Handang magpa-lechon si Camarines Sur Governor Miguel Villafuerte sa mga evacuation center para lamang makumbinsi ang kaniyang nasasakupan na lumikas sa harap ng naka-ambang panganib dala ng bagyong ‘Nina’.

Isa ang rehiyong Bikol sa inaasahang tatamaan ng bagyo na inaasahang lalapag ngayong Kapaskuhan.

Sa kaniyang Twitter account, inihayag ng batang gobernador ang kaniyang kahandaang magpadala ng lechon sa mga ‘evacuation center’ kung nagkataon.

“I know it is Christmas, and is somewhat sunny right now but this is a legit typhoon. Pls evacuate, magpapalechon tayo sa mga evacuation cntr,” ayon kay Villafuerte.

Kinumprima rin ito ng gobernador sa isang panayam ng isang mamamahayag, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.

“Para mag-evacuate talaga. A lot of people don’t want to evacuate dahil pasko daw,” paliwanag ni Villafuerte.

Inasahan ng gobernador na makukumbinsi niyang lumikas ang mahigit 50,000 pamilya bago mag-alas-7 nang gabi ng Sabado.

Sa pinakahuling ulat ng PAGASA alas-11 ng umaga, Sabado, namataan ang bagyong Nina 480 kilometro bandang kanluran ng Catanduanes. Bumagal ang galaw nito mula sa 17 kph hanggang 15 kph na lamang.

May dalang lakas ng hanging si ‘Nina’ na umaabot hanggang 150 kph at pabugso-bugsong lakas ng hangin hanggang 185 kph.

Sa kasalukuyan, nakataas ang signal No. 1 sa mga probinsiya ng Catanduanes, Camarines Sur, Camarines, Norte, Albay, Sorsogon, Masbate sa Bikol at sa ilang bahagi ng katimugang Quezon at mga probinsiya ng Samar, Northern Samar at Eastern Samar.

Inaasahang lalapag ito sa lupa gabi ng Disyembre 25 sa Catanduanes o sa Camarines Sur.