Ginang, pinugutan ng ulo dahil nag-shopping na hindi kasama ang asawa

Isang 30-taong gulang na ginang ang pinugutan ng ulo at pinagsasaksak dahil namalengke ito nang nag-iisa at hindi kasama ang asawa.

Nangyari ang kasuklam-suklam na pagpatay sa malayong nayon ng Latti sa probinsiya ng Sar-e Pol  sa Afghanistan noong Lunes, ika-26 ng Disyembre. Ang nasabing lugar ay nasa ilalim umano ng control ng mga Taliban, ayon sa Daily Mail.

Sa isang pahayag, sinabi ni ginoong Zabiullah Amani, ang tagapagsalita ng provincial governor, na tinarget ng mga armadong kalalakihan ang ginang dahil nagtungo ito sa pamilihan upang mag-shopping ng walang kasamang lalaki. Mag-isang namalengke ang ginang dahil ang asawa niya ay kasalukuyang nasa Iran. Walang anak ang mag-asawa.

Kinumpirma ni Nasima Arezo, puno ng Sar-e Pol women’s affairs, ang pagpaslang.

Aniya, “ang babae ay pinugutan sa pamamagitan ng bayoneta na nakakabit sa isang AK-47 matapos makipagtalo sa mga Taliban.”

Sa ilalim ng pamamalakad ng Taliban, ipinagbabawal para sa mga kababaihan ang pag-alis ng bahay kung walang kasamang malapit na kamag-anak na lalaki. Bawal rin sa kanila ang magtrabaho o mag-aral at pwersahan silang pinagsusuot ng burqa upang takpan ang mukha at katawan sa publiko.

 

Loading…